Ni Tristan Ray I. Besa
The Palawan Times
Muling inihingi ng paumanhin ng commander ng Western Command (WESCOM) ang nangyaring kaguluhan sa pagitan ng mga sundalo ng 8th Marine Battalion Landing Team (MBLT-8) at ng 570th Composite Tactical Wing (CTW) noong ika-12 ng Nobyembre sa isang painuman sa Rizal Avenue, lungsod ng Puerto Princesa.
Sa pagdiriwang ng ika-60 taong kaarawan ng pagkakatatag ng Philippine Marine Corps sa Capitol Pavilion noong nakaraang ika-18 ng Nobyembre, muling inulit ni Major General Juancho M. Sabban ang ginawang paghingi ng pag-unawa sa mga tao sa nangyaring kaguluhan sangkot ang mga sundalo.
Matatandaan na nauwi sa pagkakasakitan ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang sundalo—isang marines at isang airforce– sa isang painuman. Ang dahilan diumano ng iringan ay isang babae.
Sa mga nauna nang panayam kay Sabban sa radyo, sinabi nitong paiimbestigahan niya ang pangyayari at aalamin kung sinu-sino ang mga dapat managot. Ang mga mapapatunayang may kasalanan at makakatanggap ng naayong parusa.
Sa gitna ng pagbibigay ng kanyang pahayag sa pagdiriwang ng ika-60 taon ng Philippine Marine Corps sinabi ni Sabban na bagama’t hindi pinahihintulutan ng sandatahang lakas ang hindi magandang ipinakita ng mga sundalo, kung saan ang kabilang partidong sangkot ay mga marines, hindi rin dapat kalimutan ng mga tao na malaki ang naibahagi ng marines sa pag-unlad ng lalawigan ng Palawan.
Sinabi rin ng pinuno ng WESCOM na hindi dapat makaligtaan dahil sa pangyayaring ito ang mahabang kasaysayan ng pangangalaga ng mga marines sa lalawigan.
Ipinaalala nito na naging mahalagang instrumento ang marines sa pagpapalaganap at pagpapanatili ng kapayapaan sa lalawigan ng Palawan at anumang kaunlarang tinatamasa nito ngayon ay bunga ng matagumpay at kahanga-hangang pagtupad ng mga sundalo sa kanilang mga tungkulin.
Maliban sa pagpapanatili ng kapayapaan, naging aktibo rin ang marines sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang sektor ng pamayanan upang makapagdala ng mga proyektong pangkaunlaran sa mga lugar na nangangailangan nito.
Pinaalalahanan din nito ang mga sundalo na laging sumunod sa mga alituntunin ng kanilang sinumpaang tungkulin. Bilang mga naatasang tagapangalaga sa kaligtasan ng bansa at ng mga tao, pinagsabihan niya ang mga ito na laging sumunod sa mga prinsipyong pangkapayapaan at patuloy na igalang ang mga karapatang pantao.
Sa pag-alala sa mga kapwa nila sundalo na nagbuwis ng buhay upang makamit ang kapayapaan, hiniling ni MGen Sabban na ang mga iniwan nilang pamana sa lahat na bunga ng kanilang kabayanihan at katapangan ay magbigay ng inspirasyon sa lahat ng mga sundalo na patuloy na magbigay ng mahusay at marangal na serbisyo sa mga tao at sa bansa.
Muli ring binigkas ng mga sundalong marino ang kanilang panunumpa bilang simbolo ng pagpapatibay nila sa kanilang pagsunod sa mga alituntunin at prinsipyong pinaniniwalaan nila.
No comments:
Post a Comment