Ni Eduardo Aro
The Palawan Times
NAKAKADALAWANG TAON na ang DFA Passporting Office sa Lungsod ng Puerto Princesa. Sa kalagitnaan din ng buwang ito noong 2008 nagsimulang tumanggap ng application para sa pasaporte ang opisina.
Noong huling dalawang buwan at kalahati ng 2008 ay tumanggap ang Passporting Office ng 716 na application — 535 para sa regular na pasaporte at 181 para sa pasaporteng para sa hajj sa Mecca ng mga Muslim na Filipino.
Noong 2009, tumanggap ang opisina ng 4,247 na mga application para sa regular na pasaporte at 47 pasaporteng gagamitin sa hajj. Sa unang 10 buwan ng 2010 ay tumanggap ang opisina ng 4,761 mga application para sa regular na pasaporte at 106 para sa pasaporteng pang-hajj.
Tumatanggap dito ng application para sa regular na pasaporte buhat sa lahat ng Pilipinong naninirahan sa Palawan. Hindi na kailangan ang appointment para makapag-apply.
Kailangang magdala ang aplikante ng birth certificate na galing sa NSO at ID na may litrato, at isulat ang mga hinihinging impormasyon sa application form. Ang regular na processing fee ay P950 (3 linggo) at P1,200 naman para sa express processing fee (2 linggo).
Ang regular na pasaporte ay may validity na limang taon subalit hindi na ito maaaring gamitin sa paglalakbay limang buwan bago ito magpaso. Para sa dati nang may pasaporte na kukuha ng bagong pasaporte, kailangang dalhin ang lumang pasaporte kapag mag-a-apply ng bago.
Ang application form ay maaaring i-download mula sa website ng DFA na www.dfa.gov.ph.
Kaugnay nito, naghahanap ang DFA ng Staff House na may tatlong silid tulugan, sariling banyo at parking area. Maaari pong makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
Ang DFA Passporting Office ay matatagpuan sa 2nd Floor, City Coliseum, San Pedro at may telepono blg. 434-1773.
No comments:
Post a Comment