Monday, November 22, 2010

Palarong Panlalawigan umarangkada sa Brooke’s Point

Ni Clarinda I. Catimpo
The Palawan Times

Pangungunahan nina Governor Abraham Kahlil B. Mitra at Vice Governor Clara Fems Reyes ang pagbubukas ng taunang Palarong Panlalawigan sa Nov. 21, 2010 sa Brooke’s Point Sports Complex. Ang palaro ay magsisimula sa pamamagitan ng parada ng opisyales, atleta, trainor ng bawat delegasyon mula sa munisipyo at magtatapos sa Brooke’s Point Sports Complex. Ayon kay Amado Gonda, Physical Education and School Sports Supervisor ng DEPED Palawan, handang-handa na ang lahat para sa nasabing palaro. Napagalaman na sumailalim na sa screening o ang pagtatasa kung kwalipikado at sinisigurong nasa tamang edad ang mga manlalaro ng bawat delegasyon. Isasagawa naman ang panayam sa mga atleta mula ika-18 hanggang ika-20 ng Nobyembre at gaganapin naman ang solidarity meeting ng lahat ng delegasyon sa gabi ng ika-20 ng Nobyembre. Ayon pa kay Gonda, paglalabanan sa elementarya at sekondarya ang mga larong basketball, baseball, volleyball, softball, badminton, taekwondo, boxing, sipa/sepak takraw, lawn tennis, table tennis, arnis, athletics at gymnastics. Bukod sa nabanggit ay may dalawang events ang madadagdag sa palaro at ito ay ang dance sports at arnis para sa mga babae. Ang mga mapipiling mga atleta sa palarong ito ang siyang magrerepresenta sa delegasyon ng Palawan sa MIMAROPARAA na gaganapin sa Calapan, Mindoro. Samantala, isang friendship game ang gagawin pagkatapos ng programa ng pagbubukas ng palaro na katatampukan ng mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan at mga empleyado mula sa lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point. Sa gabi ay maghahandog ang pamahalaang panlalawigan ng isang salo-salo para sa mga delegasyon ng iba’t-ibang munisipyo. Pormal na magsisimula ang mga palaro sa ika-22 at magtatapos sa ika-25 ng buwang kasalukuyan.

No comments:

Post a Comment