NANINIWALA ANG mga konsehal ng lungsod ng Puerto Princesa na hindi lahat ng mga isdang dinadala sa kamaynilaan ay huli sa malinis na paraan o hindi ginagamitan ng sodium cyanide.Ayon kay Konsehal Modesto Rodriguez II na minsan ng pinamunuan ang komite ng Agriculture and Aquatic Resources ng Sangguniang Panlalawigan, masuwerte umano ang isang mangingisda na makahuli ng isang suno sa loob ng isang araw kung kayat hindi kapani-paniwala na lahat ng mga isdang iniluluwas mula sa lalawigan araw-araw ay huli sa kawil.Aniya, ang bayan ng Roxas sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Palawan kung saan ay pinapahintulutan ang ganoong uri ng negosyo ay hindi bababa sa sampung biyahe ng eroplano araw-araw upang magdala ng buhay na isda.Ang livefish trading o negosyo ng buhay-buhay ay multi-million industry. Ang isang pirasong red suno ay nagkakahalaga umano ng P3,500 hanggang P5,000 bawat kilo na nangangahulugan lamang na kikita rin ng malaking halaga ang isang negosyante. Ayon pa dito, karaniwang stratehiya ng mga traders ay pinapasuka ang isda sa loob ng ilang araw bago kukunin sa aquarium at ipapasuri sa Cyanide Detection Test (CDT) ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang mabigyan ng certification para mailuwas patungo sa ibang panig ng bansa. Wala namang tiwala ang mga miyembro ng kapulungan sa kredibilidad ng mga kumukuha ng samples para ipasuri sa CDT lab.Sa salaysay ng mga kinatawan ng CDT na ipinatawag ng Sangguniang Panlungsod sa question hour ng kanilang regular sesyon, lumalabas na nakadepende lamang sila sa dokumentadong pagkuha ng kanilang partner agency tulad ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan o Philippine coast guard na nakatalaga sa lugar.Ayon kay Teresita Bengaño officer in-charge (OIC) ng CDT laboratory na nakatalaga sa lungsod ng Puerto Princesa, tinanggap lamang nila ang mga documented samples na isinusumite sa kanilang opisina bago isasailalim sa pagsusuri upang maberepeka kung paano ito hinuli. Sinabi rin ni Gina Virgo, Chemist ng CDT laboratory, kung ang sinusuring isda ay umabot sa .005 part per million (PPM) ito ay positibo sa cyanide contamination at negatibo naman kung mas mababa ang PPM nito. Idinagdag din nito na 100% reliable at accurate ang result ng kanilang pagsusuri gamit ang ISE na kayang i-detect ang 0.03 PPM ng isda.Para naman kay Konsehal Gregorio Q. Austria, bagamat masasabing accurate ang ginagawang pagsusuri ng CDT hindi naman nito kayang idetermina kung ang pinagkukunan ay huli o hindi huli sa sodium cyanide dahil inaasa lamang nila ito sa kanilang partner agency para kumuha ng sample. Subalit, ang problema umano dito ay ang lungsod ang ginagawang transshipment mode ng mga traders kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang livefish industry.Samantala, kama-kailan ay nasakote ng Special Operations Group (SOG) ang dalawang truck na naglalaman ng mga buhay na suno kung saan lima sa mga ito ay nagpositibo sa sodium cyanide.Dahil sa pangyayaring ito dalawang ordinansa ang isinusulong nina Konsehal Eleuthrius L. Edualino at Henry A. Gadiano na naglalayong bumuo ng Task Force na siyang magbabantay sa mga boundaries ng lungsod at titingin sa mga sertipikasyon ng mga shippers. Isa pang ordinansa ang nakatakdang gawin ng konseho na nag-aatas naman sa lahat ng mga shippers na kailangang dumaan sa tanggapan ng CDT at ang mga taga CDT mismo ang siyang kukuha ng mga samples para suriin. Sa pamamagitan umano nito ay matitiyak na ang mga isdang iniluluwas at idinadaan sa lungsod ay hindi kontaminado sa sodium cyanide. Iminungkahi naman ng konseho na magkaroon ng representasyon ang pamahalaang lungsod sa mga gagawing pagsusuri ng CDT.Nitong nakalipas na linggo ay pinakawalan naman ng pamahalaang lungsod ang 412 na pulang suno na nasakote ng SOG sa karagatang sakop ng Bgy. Sta. Lucia.
Ni Cheryl A. Galili
The Palawan Times
No comments:
Post a Comment