HINATI-HATI NG mga trainees ng Organization, International Social and Cultural Association (OISCA) ang 80 ektarya na demonstration area ng pamahalaang panlalawigan para sa programang Palayan sa Bayan at Hayupan sa bayan sa ilalim ng Tanggapan ng Provincial Agriculture Office (PAO).Ayon kay Noel Jagmis, Tribal Chieftain ng mga Tagbanua sa Bgy. Cabigaan at pangulo ng Palawan Tribal Federation ang 80 ektarya na sakop ng inaaplyang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ng mga katutubo ay napatituluhan na at nahati ng mga mag-aaral ng OISCA na nagmula sa ibang panig ng munispyo na nakapagsanay sa naturang lugar.Ang proyekto ito ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng OISCA ay naging kapaki-pakinabang lalo na sa mga hindi nakapagpatuloy ng kanilang pag-aaral sa mas mataas na antas gayundin sa mga katutubo upang mas lalong malinang ang kanilang kakayahan sa sector ng agrikultura.Ang OISCA ay nagsimula taong 1976 sa ilalim ng panunungkulan ng dating gobernador Salvador P. Socrates kung saan naglaan ng 40 ektarya ang pamahalaang panlalawigan para sa programa sa agrikultura sa pakikipag-ugnayan din sa mga katutubong naninirahan sa lugar.“Ang 80 ektaryang demonstration areas ay titulado na sa mga estudyante ng OISCA. Ang project ay napakaganda pero nadislocate kami,” sentimiyento ni Jagmis.Sinalaysay naman ni Paul Jagmis Sr. retiradong guro at dating konsehal sa naturang bayan na 40 ektarya lamang ang naunang inilaan para sa demonstration training subalit hiniling na magkaroon ng panibagong 40 ektarya subalit ito diumano ay hindi naidaan at napagkasunduan ng mga katutubo at ng pamahalaang panlalawigan.Ang 80 ektaryang lupain na sakop ng OISCA at ang karagdagang 350 ektarya ay inaplayan na at hinati-hati na rin ng mga hindi katutubo at dayuhan sa lugar at naging trainees ng OISCA.Ayon pa sa dating konsehal, ang pagkakaroon ng OISCA sa lalawigan ay malaking tulong sa paghubog ng mga talento at kakayahan ng mga katutubo at ordinaryong mamamayan sapagkat nakatulong umano ito upang mapa-unlad ang sariling buhay.Samantala, sa pangyayaring ito ay hiniling ng mga katutubong Tagbanua sa kinauukulan na magawan ng aksyon ang ginawang paghahati ng nasabing lupain.Nangako naman ang mga kinatawan ng Provincial Agriculture Office (PAO) na dumalo sa naturang pagtitipon na ipapaabot nila sa tanggapan ng Provincial Administrator ang nasabing reklamo upang magawan ng kaukulang aksyon.
The Palawan Times
No comments:
Post a Comment